Salmo 136 Ang Salita ng Dios (ASND)

Awit ng Pasasalamat

1. Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

2. Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

3. Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

4. Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

5. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

6. Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

7. Ginawa niya ang araw at ang buwan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

8. Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

9. Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

10. Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

11. Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

12. Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

13. Hinawi niya ang Dagat na Pula.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

14. At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

15. Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

16. Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

17. Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

18. Pinatay niya ang mga dakilang hari.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

19. Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

20. Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

21. Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

22. At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

23. Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

24. Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

25. Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

26. Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.