Salmo 119 Ang Salita ng Dios (ASND)

Ang Kautusan ng Dios

1. Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.

2. Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.

3. Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.

4. Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.

5. Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.

6. At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.

7. Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.

8. Susundin ko ang inyong mga tuntunin,kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

9. Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.

10. Buong puso akong lumalapit sa inyo;kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.

11. Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.

12. Purihin kayo Panginoon!Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

13. Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.

14. Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.

15. Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayanat iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16. Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.

17. Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.

18. Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.

19. Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.

20. Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.

21. Sinasaway nʼyo ang mga hambogat isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.

22. Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.

23. Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.

24. Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

25. Akoʼy parang mamamatay na, kaya panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.

26. Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at pinakinggan nʼyo ako.Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

27. Ipaunawa nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.

28. Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin nʼyo ako ayon sa inyong pangako.

29. Ilayo nʼyo ako mula sa paggawa ng masama,at tulungan nʼyo ako na sundin ang inyong kautusan.

30. Pinili ko ang tamang daan,gusto kong sumunod sa inyong mga utos.

31. Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo,kaya huwag nʼyong papayagang akoʼy mapahiya.

32. Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos,dahil pinapalawak nʼyo ang aking pang-unawa.

33. Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.

34. Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.

35. Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,dahil ito ang aking kasiyahan.

36. Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.

37. Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.Panatilihin nʼyo ang aking buhay ayon sa inyong pangako.

38. Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.

39. Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.

40. Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.

41. Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.

42. Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.

43. Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.

44. Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.

45. Mamumuhay akong may kalayaan,dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.

46. Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.

47. Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.

48. Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.

49. Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.

50. Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.

51. Palagi akong hinahamak ng mga hambog,ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.

52. Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.

53. Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,na ayaw sumunod sa inyong kautusan.

54. Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.

55. Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.

56. Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

57. Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.

58. Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.

59. Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.

60. Agad kong sinunod ang inyong mga utos.

61. Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.

62. Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.

63. Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.

64. Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

65. Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.

66. Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.

67. Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.

68. Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

69. Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.

70. Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.

71. Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.

72. Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.

73. Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.

74. Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.

75. Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.

76. Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.

77. Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.

78. Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.

79. Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.

80. Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.

81. Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.

82. Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”

83. Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.

84. Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?

85. Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.

86-87. Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.

88. Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.

89. Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.

90. Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.

91. Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.

92. Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.

93. Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.

94. Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.

95. Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.

96. Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.

97. Iniibig ko ang inyong kautusan.Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.

98. Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.

99. Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.

100. Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.

101. Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,upang masunod ko ang inyong mga salita.

102. Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,dahil kayo ang nagtuturo sa akin.

103. Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.

104. Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,lumalawak ang aking pang-unawa,kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.

105. Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.

106. Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.

107. Hirap na hirap na po ako Panginoon;panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.

108. Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.

109. Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.

110. Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.

111. Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.

112. Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.

113. Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.

114. Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;akoʼy umaasa sa inyong mga salita.

115. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.

116. Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangakoupang ako ay patuloy na mabuhay;at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.

117. Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.

118. Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.

119. Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,kaya iniibig ko ang inyong mga turo.

120. Nanginginig ako sa takot sa inyo;sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.

121. Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.

122. Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.

123. Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.

124. Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

125. Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.

126. Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.

127. Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.

128. Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

129. Kahanga-hanga ang inyong mga turo,kaya sinusunod ko ito nang buong puso.

130. Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.

131. Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.

132. Masdan nʼyo ako at kahabagan,gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.

133. Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.

134. Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.

135. Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.

136. Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.

137. Matuwid kayo, Panginoon,at tama ang inyong mga paghatol.

138. Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.

139. Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.

140. Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.

141. Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.

142. Walang katapusan ang inyong katuwiran,at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.

143. Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.

144. Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.

145. Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.

146. Tumatawag ako sa inyo;iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.

147. Gising na ako bago pa sumikat ang arawat humihingi ng tulong sa inyo,dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.

148. Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.

149. Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.

150. Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.

151. Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.

152. Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.

153. Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.

154. Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.

155. Hindi maliligtas ang masasama,dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.

156. Napakamaawain nʼyo Panginoon;panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.

157. Marami ang umuusig sa akin,ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.

158. Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.

159. Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.

160. Totoo ang lahat ng inyong salita,at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.

161. Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.

162. Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.

163. Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.

164. Pitong beses akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.

165. Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,at silaʼy hindi mabubuwal.

166. Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,at sinusunod ko ang inyong mga utos.

167. Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,at itoʼy sinusunod ko.

168. Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.

169. Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.

170. Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.

171. Lagi akong magpupuri sa inyo,dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.

172. Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.

173. Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.

174. Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.

175. Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.

176. Para akong tupang naligaw at nawala,kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.