22. Bawat pangkat ay may 1,500 katao at pinamumunuan ng isa sa kanilang magkakapatid; siya at sina Simon, Jose at Jonatan ay may kanya-kanyang pangkat.
23. Inutusan niya si Eleazar na basahin nang malakas ang banal na aklat at ibinigay sa kanyang mga tauhan ang sigaw na pandigma, “Tutulungan tayo ng Diyos!” Ang pangkat niya ang nanguna sa paglusob laban kay Nicanor.
24. Sa tulong ng Makapangyarihang Diyos, napatay nila ang mahigit na 9,000 kaaway. Marami ang sugatan; tumakas naman ang iba.
25. Sinamsam nila ang salaping dala ng mga taong bibili sana ng mga bihag na Judio. Tinugis nila ang tumakas na mga kaaway,
26. ngunit hindi na nila hinabol nang tuluyan sapagkat gumagabi na. Ang isa pang dahilan ay bisperas na ng Araw ng Pamamahinga, kaya hindi na nila ipinagpatuloy ang pagtugis.
27. Bago dumating ang Araw ng Pamamahinga, natipon na nilang lahat ang mga sandata at ari-arian ng mga kaaway, kaya't masiglang-masigla silang nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon, sapagkat nagpakita siya ng pagkahabag, at sa tulong niya ay sinapit nila ang araw na iyon na pawang mga buháy pa.
28. Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, ang ibang mga samsam nila'y ipinamahagi sa mga biktima ng pag-uusig, sa mga balo at mga ulila. Ang natira'y ipinamahagi sa kanilang mga pamilya.
29. Pagkatapos, sama-sama silang nanalangin, at hiniling sa Diyos na sila'y kahabagan at lubusang ibalik sa kanila na kanyang mga lingkod ang dati nilang kaugnayan sa kanya.
30. Nagkasagupa ang mga Judio at ang hukbo nina Timoteo at Baquides. Sa labanang iyo'y 20,000 kaaway ang napatay nila at naagaw pa nila ang ilang matataas na tanggulan. Tulad ng dati, hinati nila ang kanilang mga nasamsam, ang kalahati ay para sa kanila at ang kalahati'y para sa mga pinag-usig, mga balo at ulila at sa matatanda.
31. Tinipon din nila ang mga sandata ng kaaway at itinago sa mga piling lugar upang madaling makuha kung kakailanganin. Ang iba pang ari-ariang nasamsam ay dinala nila sa Jerusalem.
32. Pinatay nila ang pinuno ng hukbo ni Timoteo, isang taong ubod ng sama at nagpahirap nang labis sa mga Judio.
33. Ipinagdiwang nila sa kanilang lunsod ang kanilang pagtatagumpay. Sa pagdiriwang na iyo'y sinunog nila ang mga taong sumunog sa mga pintuan ng Templo. Isa sa mga iyon ay si Calistenes na nagtago sa isang maliit na bahay. Sa kanyang sinapit, tinanggap niya ang parusang nauukol sa ginawa niyang kasamaan.
34. Ang kasumpa-sumpang si Nicanor na sa kahambuga'y nagsama ng sanlibong mangangalakal para bumili ng mga aliping Judio,
35. ay nabigo at napahiya sa mga taong kanyang hinamak ngunit tinulungan naman ng Panginoon. Dala ng kahihiyan, hinubad niya ang kanyang maharlikang kasuotan at mag-isang tumakas na parang takas na alipin. Doon siya nagtago sa Antioquia. Nagtagumpay lamang siya sa pagwasak sa sarili niyang hukbo.
36. Iyan ang lalaking nagtangkang bumihag sa mga Judio para ipagbili, at ibayad ang pinagbilhan sa mga taga-Roma. Siya ang nagpatotoo na ang mga Judio'y may makapangyarihang Tagapagtanggol. Hindi sila maaaring magapi sapagkat sumusunod sila sa mga kautusang ibinigay niya.