2 Macabeo 4:14-25 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Wala nang paring naghangad na maglingkod sa altar. Ang templo at ang paghahandog ay pinabayaan na rin at ang kinahumalingan ay ang pagsasanay para sa palakasan upang makasali sa mga paligsahang hindi ayon sa Kautusan ng Diyos.

15. Ang mga bagay na pinarangalan ng kanilang mga ninuno ay itinakwil nila, at ang pinahalagahan ay ang mga bagay na itinuturing na dakila ng mga Griego.

16. Subalit hindi ito nakabuti sa kanila, sapagkat naging kaaway nila ang mga taong nais nilang tularan sa kilos at pag-uugali. Binusabos sila ng mga ito.

17. Tunay ngang ang paglapastangan at paglabag sa Kautusan ng Diyos ay nagbubunga nang di mabuti. Patutunayan ito ng sumusunod na mga pangyayari.

18. Sa lunsod ng Tiro ay may idinaraos na paligsahang pampalakasan. Ginaganap ito tuwing ikalimang taon at pinanonood ito ng hari.

19. Samantalang idinaraos ito, ang tusong si Jason ay nagpadala ng mga sugo bilang kinatawan ng samahan ng mga Judiong naging mamamayan ng Antioquia. Nagdala sila ng 22,500 librang pilak para gugulin sa paghahandog sa diyus-diyosang si Hercules. Naisipan ng mga sugo na hindi tamang gastusin ang ganito kalaking halaga para sa paghahandog,

20. kaya't sa ibang bagay nila ito iniukol. Sa halip na ihandog kay Hercules, ang salapi ay ginugol nila sa pagpapagawa ng mga sasakyang-dagat na pandigma.

21. Nang si Apolonio na anak ni Menesteo ay ipadala sa Egipto bilang kinatawan sa idaraos na pasinaya sa pagluklok ni Filometor bilang hari, nalaman ni Antioco na ang bagong hari ay laban sa kanyang mga patakaran. Nabahala siya, kaya't nagpunta siya sa Joppa at mula roo'y nagtuloy sa Jerusalem.

22. Malugod siyang tinanggap ni Jason at ng buong lunsod na pawang may dalang sulo sa kanilang pagdiriwang. Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, isinama niya ang kanyang hukbo at pinasok nila ang Fenicia.

23. Lumipas ang tatlong taon at ipinatawag ni Jason si Menelao na kapatid ni Simon. Inutusan niya itong magdala ng salapi sa hari at tuloy sumangguni dito tungkol sa ilang mahahalagang bagay.

24. Pagdating sa palasyo'y ipinakilala siya sa hari, at pinapaniwala niya ito sa taglay niyang kakayahan at kapangyarihan. Inalok niya ang hari ng napakalaking halaga—10,500 kilong pilak ang kahigitan sa ibinigay ni Jason—kaya't naagaw niya rito ang pagka-Pinakapunong Pari.

25. Bumalik siya sa Jerusalem taglay ang tungkuling ito na pinagtibay ng hari, ngunit wala naman siyang kakayahan; ang taglay niya'y kabagsikan at pagiging asal-hayop.

2 Macabeo 4