2 Macabeo 15:5-23 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

5. Ganito ang tugon ni Nicanor: “Ako naman ang hari dito sa lupa at iniuutos kong kunin ninyo ang inyong mga sandata at sundin ang aking kagustuhan.” Gayunman, hindi siya nagtagumpay sa maitim niyang balak.

6. Napakahambog ni Nicanor—hindi pa ma'y ipinamamalita nang siya'y magpapagawa ng isang bantayog upang maging alaala ng kanyang pagtatagumpay laban kay Judas at sa mga tauhan nito.

7. Subalit si Judas Macabeo ay hindi nabahala; lubos ang kanyang pagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon.

8. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na huwag matakot, sa halip ay alalahanin nila ang natamong tulong mula sa kalangitan noong mga nakaraang panahon ng kagipitan, at umasa silang kahit ngayon ay ipagkakaloob sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat ang tagumpay.

9. Pinasigla niya sila sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, at ipinapaalala sa kanila ang natamo na nilang mga pagtatagumpay sa labanan.

10. Nang handa na sila, iniutos ni Judas ang dapat gawing pagtatanggol. Ipinaalala niya na hindi mapagkakatiwalaan ang mga Hentil sapagkat sumisira sila sa mga kasunduan.

11. Higit sa sandatang ibinigay niya sa kanyang mga tauhan ay ang kanyang mga salitang nagpalakas ng kanilang loob. Isang pangitaing nakita niya ang kanyang isinaysay upang patatagin ang loob ng kanyang mga tauhan.

12. Nakita raw niya sa pangitain si Onias, dating Pinakapunong Pari at isang taong dakila at kahanga-hanga, mabait, mapagpakumbabá, magaling magsalita, at mula sa pagkabata'y sinanay na sa banal na pamumuhay. Nakataas ang kamay ni Onias habang nananalangin alang-alang sa bansang Judio.

13. Lumitaw naman sa isang dako ang isa pang taong maputi na ang buhok na sa anyo ay marangal din at may pambihirang kapangyarihan.

14. Ganito ang wika ni Onias tungkol sa taong ito: “Ito si Jeremias, ang propeta ng Diyos na mapagmalasakit sa kanyang mga kapatid at maalab kung manalangin para sa banal na lunsod.”

15. Iniunat ni Jeremias ang kanyang kanang kamay at iniabot kay Judas ang isang espadang ginto at habang iniaabot iyon ay ganito ang sabi:

16. “Tanggapin mo ang banal na espadang ito, na kaloob ng Diyos. Gamitin mo ito at lipulin mo ang iyong mga kaaway.”

17. Sumigla ang mga puso't damdamin ng mga Judio sa mga sinabi ni Judas. Lumakas ang loob nila, kaya't maging ang mga kabataan ay lumaban nang ubod-tapang. Sapagkat nanganganib ang lunsod, ang kanilang relihiyon, ang Templo at ang mga sagradong kagamitan doon, minabuti na nilang sumalakay at kahit na manu-mano ay lutasin ang suliraning ito.

18. Nangingibabaw ang pagmamalasakit nila sa banal na Templo; pangalawa lamang sa kanilang isipan ang kapakanan ng mga mahal nila sa buhay, asawa't anak at kamag-anak.

19. Ang lahat ng naiwan sa lunsod ay pawang balisa tungkol sa kahihinatnan ng labanan nila sa kapatagan.

20. Bawat isa'y nananabik sa magiging wakas. Papalapit na ang kaaway, kasama ang mga elepante at ang mga mangangabayo sa magkabilang panig.

21. Nang makita ni Judas Macabeo ang dumarating na malaking hukbo ng kaaway, ang kanilang mga sandata at kagamitang nakahihigit, at ang mababangis na mga elepante, itinaas niya ang kanyang mga kamay at dumalangin sa Diyos na mapaghimala, sapagkat alam niyang ang pagtatagumpay ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo kundi sa kalooban ng Diyos.

22. Ganito ang kanyang panalangin: “Noong panahon ng Haring Hezekias ng Juda, isinugo mo ang iyong anghel, at sa hukbo ni Senaquerib ay 185,000 kawal ang napatay.

23. Kataas-taasang Hari sa kalangitan, sa unahan nami'y isugo mo ngayon ang isang anghel na maghahasik ng takot at pagkabahala sa aming mga kaaway.

2 Macabeo 15