2 Macabeo 15:26-35 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

26. ngunit hinarap sila ni Judas at ng mga tauhan nito na tumatawag sa Diyos upang sila'y tulungan.

27. Ginamit nila ang kanilang mga bisig sa paglaban habang sa puso naman ay dumadalangin sila sa Diyos. Sa labanang iyon, 35,000 kaaway ang kanilang napatay. Gayon na lamang ang pasasalamat nila sa kapangyarihang ipinadama sa kanila ng Diyos.

28. Nang matapos ang labanan, masayang-masaya silang umuwi dahil sa tinamong tagumpay, at nakita nila ang bangkay ni Nicanor na suot pa ang kanyang baluti.

29. Napasigaw sila sa tuwa at sa kanilang sariling wika'y pinuri nila ang Panginoon.

30. Sa utos ni Judas, na ang katawa't kaluluwa'y tagapagtanggol ng mga kababayan sapul pagkabata, ipinaputol ang ulo't kanang kamay ni Nicanor upang dalhin sa Jerusalem.

31. Pagbabalik nila roon, tinipon ni Judas ang mga Israelita, nagtalaga ng mga pari sa harap ng altar, at tinawag ang lahat ng tauhang nasa tanggulan.

32. Ipinakita niya sa kanila ang ulo ng tampalasang lapastangang si Nicanor at ang kamay nito na buong paghahambog na iniunat laban sa banal na Templo ng Makapangyarihang Diyos.

33. Ang dila ni Nicanor ay pinutol din ni Judas para tadtarin at ipakain sa mga ibon. At ipabitin naman sa tapat ng Templo ang ibang parte ng katawan nito.

34. Lahat ng naroroon ay tumingala sa langit at nagpuri sa Panginoon na naghayag ng kanyang banal na kapangyarihan at nag-ingat sa Templo upang ito'y manatiling malinis.

35. Kinuha ni Judas ang ulo ni Nicanor at ibinitin sa pader ng kuta bilang katibayan ng tulong na ibinigay ng Panginoon.

2 Macabeo 15