16. “Tanggapin mo ang banal na espadang ito, na kaloob ng Diyos. Gamitin mo ito at lipulin mo ang iyong mga kaaway.”
17. Sumigla ang mga puso't damdamin ng mga Judio sa mga sinabi ni Judas. Lumakas ang loob nila, kaya't maging ang mga kabataan ay lumaban nang ubod-tapang. Sapagkat nanganganib ang lunsod, ang kanilang relihiyon, ang Templo at ang mga sagradong kagamitan doon, minabuti na nilang sumalakay at kahit na manu-mano ay lutasin ang suliraning ito.
18. Nangingibabaw ang pagmamalasakit nila sa banal na Templo; pangalawa lamang sa kanilang isipan ang kapakanan ng mga mahal nila sa buhay, asawa't anak at kamag-anak.
19. Ang lahat ng naiwan sa lunsod ay pawang balisa tungkol sa kahihinatnan ng labanan nila sa kapatagan.
20. Bawat isa'y nananabik sa magiging wakas. Papalapit na ang kaaway, kasama ang mga elepante at ang mga mangangabayo sa magkabilang panig.
21. Nang makita ni Judas Macabeo ang dumarating na malaking hukbo ng kaaway, ang kanilang mga sandata at kagamitang nakahihigit, at ang mababangis na mga elepante, itinaas niya ang kanyang mga kamay at dumalangin sa Diyos na mapaghimala, sapagkat alam niyang ang pagtatagumpay ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo kundi sa kalooban ng Diyos.
22. Ganito ang kanyang panalangin: “Noong panahon ng Haring Hezekias ng Juda, isinugo mo ang iyong anghel, at sa hukbo ni Senaquerib ay 185,000 kawal ang napatay.
23. Kataas-taasang Hari sa kalangitan, sa unahan nami'y isugo mo ngayon ang isang anghel na maghahasik ng takot at pagkabahala sa aming mga kaaway.
24. Sa taglay mong lakas, hampasin mo sila na lumalait sa iyong mga lingkod!” Dito niya winakasan ang kanyang dalangin.
25. Sa hudyat ng mga trumpeta at mga awiting pandigma, ang hukbo ni Nicanor ay nagpatuloy sa paglapit,
26. ngunit hinarap sila ni Judas at ng mga tauhan nito na tumatawag sa Diyos upang sila'y tulungan.