1. Nalaman ni Nicanor na si Judas at ang mga kasamahan nito ay nasa lupain ng Samaria, kaya't ipinasya niyang salakayin sila. Para makatiyak na ligtas siya sa panganib, inisip ni Nicanor na gawin ito sa Araw ng Pamamahinga.
2. Ngunit ang mga Judiong napilitang sumama sa kanya ay nagsumamo, “Huwag po ninyong gawin ang inyong napakalupit na balak. Igalang po ninyo ang araw na dinakila, ginawang higit sa alinmang araw, at pinabanal ng Diyos na nakakakita ng lahat.”
3. “Bakit, mayroon bang namamahala ng kalangitan na nag-utos na igalang ang araw na iyon?” tanong ng buhong na si Nicanor.
4. Sumagot ang mga Judio na mayroon, at iyon ay ang Diyos na buháy, ang hari ng langit at siya ring nag-utos na igalang ang Araw ng Pamamahinga.
5. Ganito ang tugon ni Nicanor: “Ako naman ang hari dito sa lupa at iniuutos kong kunin ninyo ang inyong mga sandata at sundin ang aking kagustuhan.” Gayunman, hindi siya nagtagumpay sa maitim niyang balak.
6. Napakahambog ni Nicanor—hindi pa ma'y ipinamamalita nang siya'y magpapagawa ng isang bantayog upang maging alaala ng kanyang pagtatagumpay laban kay Judas at sa mga tauhan nito.
7. Subalit si Judas Macabeo ay hindi nabahala; lubos ang kanyang pagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon.