32. Sumumpa ang mga ito na hindi nila nalalaman kung nasaan si Judas.
33. Sa galit ni Nicanor, nagbanta siya na ang kamay ay nakaturo sa Templo, “Kapag hindi ninyo ibinigay sa akin si Judas, ipaguguho ko ang Templong ito. Wawasakin ko ang inyong altar, at sa dako ring ito'y magtatayo ako ng isang magandang Templo upang parangalan si Dionisio.”
34. Pagkasabi nito, siya'y umalis. Nabahala ang mga pari, kaya't nanalangin silang lahat na nakataas ang kamay sa di-nagmamaliw na Tagapagtanggol ng kanilang bansa,
35. “Panginoon ng lahat, alam naming di ka nangangailangan ng anuman; gayon pa man, sumang-ayon kang magtayo kami ng Templong iyong matitirhan sa gitna namin.
36. Dahil dito, O Kabanal-banalan, ingatan mong walang dungis ang tahanang ito na hindi pa natatagalang nalilinis!”
37. May isang matandang pinuno ng Jerusalem na ang pangalan ay Razis. May nagsumbong kay Nicanor na ang taong ito ay labis na iginagalang at itinuturing na “Ama ng mga Judio” dahil sa pag-ibig sa mga kababayan.
38. Sa unang mga araw ng paghihimagsik, isinuong niya ang sarili sa panganib alang-alang sa pananampalatayang Judio at dinala pa sa hukuman dahil sa pagiging matapat sa kanyang relihiyon.
39. Para patunayan ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio, nagpadala agad si Nicanor ng 500 kawal upang hulihin si Razis.
40. Inisip niyang kung mahuli ito ay masasaktang mabuti ang mga Judio.
41. Nilusob nga nila ang toreng pinagkukublihan ni Razis at malapit nang makuha. Habang pinagsisikapan nilang buksan ang pintuang-pasukan, ang mga kawal ay nag-utos din na sunugin ang pinto. Nawalan na ng pag-asa si Razis na siya'y makakaligtas, kaya't nagsaksak siya sa sarili.
42. Pinili niya ang mamatay na marangal kaysa mapasakamay ng mga tampalasan at ilagay sa kahihiyan.