12. Naisip ni Judas na malaki nga ang maitutulong ng mga kawal na Arabo, kaya't pumayag siyang makipagkaibigan sa mga ito. Pagkatapos ng kanilang kasunduan, nagbalik na ang mga Arabo sa kanilang mga tolda.
13. Ang sumunod na nilusob ni Judas ay ang Caspin, isang lunsod na napapaligiran ng matibay na pader. Ang mga naninirahan dito ay mga Hentil na buhat sa iba't ibang bansa.
14. Palibhasa'y sagana sa pagkain at nananalig sa tibay ng kanilang pader, hindi naligalig ang mga mamamayan doon sa paglusob nina Judas. Pinagtawanan pa nga nila sina Judas at nilait pati ang kanilang Diyos.
15. Ngunit tulad ng dati, tinipon ni Judas ang kanyang mga tauhan at nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan sa daigdig, ang Diyos na tumulong kay Josue, kaya kahit wala silang mga kagamitan sa paglusob ay nakuha nila ang Jerico. Pagkatapos, buong tapang at lakas na nilusob nila ang mga kuta.
16. Sa kalooban nga ng Diyos, nakuha nila ang lunsod at sa dami ng kanilang napatay na kaaway, pati ang karatig na lawa na halos isang milya ang luwang ay parang umapaw sa dugo.
17. Mula sa Caspin, tinahak nina Judas ang layong siyamnapu't limang milya hanggang sa dumating sila sa Caraca, isang lugar na malapit sa lunsod ng Tob, na ang naninirahan ay mga Judio.
18. Si Timoteo na kanilang hinahanap ay di nila nasumpungan doon, sapagkat nakaalis na ito. Wala naman itong nagawa roon maliban sa pagtatayo ng kuta at mag-iwan doon ng isang malakas na pangkat ng kawal.
19. Dalawang matapang na kapitan ni Judas, sina Dositeo at Sosipatro, ang nangahas lumusob sa kuta na iniwan ni Timoteo. Napatay nila ang buong pangkat ng sampung libong kawal na nagtatanggol doon.
20. Pinagpangkat-pangkat ni Judas ang kanyang hukbo at ipinailalim sa isang pinuno ang bawat pangkat. Nang handa na ang lahat, humayo sila para tugisin si Timoteo at ang hukbo nito na binubuo ng 120,000 sundalo at 2,500 mangangabayo.