1 Macabeo 2:25-33 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

25. Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana.

26. Sa ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finehas nang patayin nito si Zimri na anak ni Salu.

27. Matapos gawin ito, isinigaw ni Matatias sa buong lunsod ang ganito: “Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!”

28. Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lunsod.

29-30. Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan, kasama ang kani-kanilang sambahayan. Dinala rin nila ang kanilang mga kawan sapagkat abut-abot na ang kasamaang nararanasan nila.

31. Ang ganitong paglikas ay nakarating sa kaalaman ng mga opisyal ng hari na nasa Lunsod ni David, sa Jerusalem. Nalaman nila na ang mga ayaw sumunod sa utos ng hari ay nagsipagtago sa ilang.

32. Maraming mga tauhan ang humabol at inabutan nila ang mga ito. Humimpil muna ang mga ito sa ibayo at humandang salakayin ang mga tumakas pagdating ng Araw ng Pamamahinga.

33. Bago sumalakay ay binabalaan muna sila, “May panahon pa. Lumabas kayo at sundin ang utos ng hari, at hindi namin kayo papatayin.”

1 Macabeo 2