21. Ang delegasyong isinugo ninyo sa amin ay nagbalita sa amin kung paano kayo iginagalang at kinikilala ng lahat. Isang malaking kagalakan namin ang kanilang pagdalaw,
22. at ang ulat ng kanilang pagdalaw ay nakasulat sa aming talaang bayan nang ganito: ‘Si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, marangal na mga kinatawang Judio, ay naparito upang sariwain ang kanilang pakikipagkaibigan.
23. May galak na tinanggap sila ng bayan at pinarangalan. Ang sipi ng kanilang ulat ay inilagay sa aklatang bayan. Sa gayon, ang ulat tungkol sa kanilang pagdalaw ay nakatala para sa mga mamamayan ng Esparta. Isang sipi ng kasulatang ito ay ipinadala kay Simon na pinakapunong pari.’”
24. Pagkaraan niyon, isinugo ni Simon si Numenio upang magdala sa Roma ng handog na isang malaking gintong panangga na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ito ang nagsilbing patunay ng pakikipagkaisa ng mga Judio sa mga taga-Roma.
25. Nang ito'y mabalitaan ng bansang Israel, nagtanungan sila, “Paano natin mapapasalamatan si Simon at ang kanyang mga anak?
26. Siya, ang kanyang mga kapatid, at ang buong pamilya ng kanyang ama ay naging matatag sa harap ng ating mga kaaway; lumaban sila at tayo'y pinalaya.”Kaya, inukit nila ito sa tanso at ikinabit sa mga haligi sa Bundok ng Zion.
27. Ganito ang mababasang nakaukit doon:“Nang ikalabing walong araw ng ikaanim na buwan ng taóng 172, na siyang ikatlong taon ni Simon, ang Pinakapunong Pari,
28. sa harap ng nagkakatipong mga pari, mamamayan, pinuno, at matatanda ng bayan, ang sumusunod na katotohanan ay ipinabatid sa amin:
29. Madalas, kapag may digmaan sa bansa, itinataya ni Simon, anak ni Matatias na isang pari mula sa pamilya ni Joiarib, at ng kanyang mga kapatid ang kanilang buhay sa pagliligtas sa ating bansa, ating templo, at ating Kautusan laban sa mga kaaway. Sila ang naghatid ng malaking karangalan sa ating bansa.
30. Si Jonatan ang kumilos upang magkaisa tayo at siya'y naging Pinakapunong Pari bago namatay.
31. Nang balakin ng mga kaaway ng mga Judio na lusubin ang lupain at lapastanganin ang templo,
32. si Simon naman ang nanguna at nakipaglaban para sa bansa. Ginamit niya ang sariling salapi para magkaroon ng mga sandata at pambayad para sa hukbo ng bansa.
33. Pinalagyan niya ng mga tanggulan ang buong Judea, lalo na ang Beth-sur sa hangganan na dati'y taguan ng mga sandata ng kaaway. Naglagay rin siya roon ng mga kawal na bantay.
34. Pinalagyan din niya ng tanggulan ang daungan ng Joppa at ang lunsod ng Gazara sa hangganan ng Azotus, na dating nasasakop ng mga kaaway. Pinatira niya roon ang mga Judio at ibinigay ang lahat ng kanilang kailangan para sa pagsasaayos.
35. Nang makita ng bayan ang pagiging makabayan ni Simon at kung paano niya ninasang parangalan ang kanyang bansa, siya'y ginawa nilang pinuno at Pinakapunong Pari. Ginawa nila ito dahil sa kanyang katapatan at dahil din sa pagpapairal niya ng katarungan at pagsisikap na maparangalan ang kanyang bansa.