23. Pagkabasa sa utos, lalo pang ipinagpatuloy ni Jonatan ang paghahanda sa pagkubkob, saka pumili ng mga pinuno at paring Judio upang sumama sa kanya. Kahit nanganganib,
24. siya'y nagpunta sa hari na nasa Tolemaida. Nagdala siya ng mga balabal, pilak at ginto, at iba pang mga handog. Siya'y nagpakitang-gilas sa hari.
25. Bagaman siniraan ng ilang taksil na Judio si Jonatan,
26. siya'y tinanggap pa rin ng hari na gaya ng mga nauna sa kanya. Pinarangalan siya sa harapan ng lahat ng tagapayo,
27. at pinagtibay bilang Pinakapunong Pari. Ibinalik sa kanya ang lahat ng dati niyang karangalan at itinalaga pa bilang isa sa pangunahing kaibigan ng hari.
28. Hiniling ni Jonatan sa hari na huwag nang pagbayarin ng buwis ang Judea at ang tatlong lunsod ng Samaria, at nangako siya na kung ito'y gagawin ni Demetrio, babayaran niya ito ng 10,500 kilong pilak.
29. Pumayag ang hari, at gumawa siya ng isang sulat na nagpapatunay kay Jonatan ng lahat ng ito. Isinaad niya sa sulat,
30. “Bumabati si Haring Demetrio kay Haring Jonatan, na kanyang kapatid, at sa bansang Judio.
31. “Para sa inyong kaalaman, inilakip ko ang isang sipi ng sulat ko sa Kagalang-galang na Lastenes tungkol sa inyo:
32. “Bumabati si Haring Demetrio sa kanyang ama, Kagalang-galang na Lastenes.
33. Ipinasya kong bigyan ang bansang Judio ng ilang karapatan sapagkat sila'y matapat na kapanalig at tumutupad sa kasunduan.
34. Pinapagtibay ko ang kanilang karapatan sa lupain ng Judea at sa mga lunsod ng Efraim, Lida, at Arimatea, na idaragdag na ngayon sa Judea mula sa Samaria, kasama ang lahat ng lupain nila. Dahil dito, makikinabang ang sinumang nagpupunta sa Jerusalem para maghandog dahil ang taunang buwis sa mga ani mula sa mga lupaing ito ay hindi na ibibigay sa hari kundi sa Templo.
35. At inaalis ko na rin sa kanila ang pataw na buwis mula sa mga ikasampung bahagi, sa upa, sa asin, at mga tanging buwis.
36. Alinman sa binabanggit sa liham na ito ay hindi na maaaring baguhin pa kahit kailan.
37. ‘Kailangang tiyakin mo na ang buong sipi ng batas na ito ay maipadala kay Jonatan para isabit sa isang hayag na lugar sa Templo sa kaburulan.’”
38. Nang makita ni Haring Demetrio na payapa na ang lupaing kanyang pinamamahalaan, binuwag niya ang hukbo at pinauwi ang lahat ng kawal, maliban sa mga swelduhang kinuha sa mga pulo ng Griego. Bunga nito, nagalit sa kanya ang lahat ng kawal na naglingkod sa mga haring nauna sa kanya sapagkat nawalan sila ng hanapbuhay.
39. Nakita ni Trifo, isa sa dating tagapagtaguyod ni Alejandro, na inirereklamo ng lahat ng kawal si Demetrio. Kaya't pinuntahan niya si Imalkue, ang Arabong nagpalaki kay Antioco na anak ni Alejandro.
40. Matagal na namalagi roon si Trifo at inuudyukan si Imalkue na ibigay sa kanya ang bata upang gawing hari, kapalit ng ama nito. Sinabi rin niya kay Imalkue ang tungkol sa mga batas ni Demetrio at kung paano ito kinamumuhian ng mga kawal.
41. Nagpasabi si Jonatan kay Haring Demetrio na alisin na rin ang mga kawal nito sa kuta ng Jerusalem at sa mga kuta ng Judea, sapagkat ginugulo lamang nila ang mga Judio.
42. Tumugon si Demetrio, “Gagawin ko ang hinihiling mo, at sa tamang pagkakataon, ibibigay ko sa iyo at sa iyong bansa ang pinakamataas na karangalan.