1 Macabeo 11:1-7 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Si Haring Tolomeo, ikaanim na hari ng Egipto, ay nagtipon ng isang malaking hukbo na marami pa kaysa buhangin sa baybay-dagat. Nagtatag din siya ng isang malaking hukbong-dagat. Tangka niyang agawin ang kaharian ni Alejandro sa pamamagitan ng pandaraya para idagdag sa kanyang sariling kaharian.

2. Kaya't nagpunta siya sa Siria upang makipagkaibigan. Malugod naman siyang pinapasok at tinanggap ng mga mamamayan doon. Ito ang utos sa kanila ni Alejandro sapagkat si Tolomeo ay biyenan niya.

3. Habang patungo sa hilaga, nag-iiwan si Tolomeo ng isang pangkat ng kawal sa bawat lunsod na daanan.

4. Pagdating niya sa Asdod, ipinakita sa kanya ng mga tagaroon ang tupok na templo ni Dagon at lahat ng wasak na bahagi ng lunsod at mga karatig-nayon. Naghambalang sa lansangan ang mga bangkay. Ang mga sunog na bangkay ng mga nilipol ni Jonatan nang nagdaang paglalaban ay nakabunton sa dinaraanan ni Tolomeo.

5. Isinalaysay sa kanya ng mga tao ang ginawa ni Jonatan, sa pag-asang iyon ay pananagutin ng hari, ngunit hindi man lang umimik si Tolomeo.

6. Sinalubong pa siya ni Jonatan sa Joppa ng isang maringal na seremonya. Nagbatian sila at doon nagpalipas ng gabi.

7. Sinamahan pa siya ni Jonatan hanggang sa Ilog Eleutero bago ito nagbalik sa Jerusalem.

1 Macabeo 11