1 Macabeo 1:9-22 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

9. Bawat isa'y ginawang hari ang kanyang sarili sa kanyang nasasakupan. Naghari ng mahabang panahon ang kanilang mga salinlahi at katakut-takot na pahirap ang ginawa nila sa daigdig.

10. Sa lahi ng mga ito'y may lumitaw na masamang hari. Ito'y si Antioco Epifanes, na anak ni Haring Antioco III ng Siria. Siya'y isa lamang bihag sa Roma bago siya naging hari ng Siria. Nagsimula siyang maghari nang taóng 137.

11. Noong kapanahunan ni Antioco Epifanes, may lumitaw sa Israel na masasamang Judio na ayaw sumunod sa Kautusan, at inaakit pa ang mga mamamayan na makipagkasundo sa mga Hentil sa palibot nila. “Makipagkasundo na tayo sa kanila; wala naman tayong napapala sa hindi pakikipagkasundo kundi pawang kapahamakan,” pang-aakit nila.

12. Ang ganitong panukala ay nagustuhan ng marami

13. at ang ilan sa kanila'y agad nagpunta sa hari upang humingi ng pahintulot na sumunod sa mga tuntunin ng mga bansang dayuhan. Pumayag naman ang hari.

14. Nagtayo sila ng isang malaking palaruan sa Jerusalem, tulad ng nasa mga lunsod ng mga Griego.

15. Gumawa sila ng paraan upang maalis ang bakas ng kanilang pagiging tuli, at pati ang banal na kasunduan ay kanilang tinalikuran. Nakiisa sila sa mga Hentil at ginawa nila ang lahat ng uri ng masasamang gawain.

16. Nang matatag na ang kanyang kaharian, hinangad ni Antioco na sakupin din ang Egipto.

17. Naghanda siya ng isang malakas na hukbo na binubuo ng mga karwahe, elepante, kabayo at mga sasakyang pandagat. Matapos mabuo ito, lumusob siya.

18. Nakasagupa niya si Haring Tolomeo ng Egipto, at nang makita ni Tolomeo ang hukbo ni Antioco, umatras ito at tumakas. Marami sa mga tauhan nito ang nasugatan at napatay.

19. Dahil dito, lahat ng napapaderang lunsod ng Egipto ay nasakop ni Antioco at ang buong bansa ay nawasak.

20. Ang Egipto ay nasakop ni Antioco nang taóng 143. Pagbalik niya, ang hinarap naman ay ang Israel at Jerusalem. Isa ring malakas na hukbo ang ginamit niya sa paglusob dito.

21. Nagtagumpay rin siya at pagdating sa Jerusalem ay buong kayabangang pinasok ang Templo. Kinuha niya ang gintong altar at ang ilawan, at ang lahat ng kagamitan dito.

22. Kinuha rin niya ang hapag na pinaghahandugan ng tinapay para sa Panginoon, ang mga kopang pinaglalagyan ng handog na inumin, ang mga mangkok at ang gintong sunugan ng insenso. Inalis niya ang kurtina, ang mga korona at lahat ng palamuting ginto sa harap ng Templo, at walang itinirang anumang mahalaga.

1 Macabeo 1