21. Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon.
22. Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
23. Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan.
24. Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili.
25. Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda.
26. Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel.
27. Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.