Pahayag 6:5-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Inalis ng Kordero ang pangatlong selyo, at narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!” Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito.

6. May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sweldo sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!”

7. Inalis ng Kordero ang pang-apat na selyo, at narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!”

8. At ang nakita ko nama'y isang kabayong may maputlang kulay. Ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan, at kasunod niya ang daigdig ng mga patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop.

9. Inalis ng Kordero ang panlimang selyo, at nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa matapat na pagsaksi nila rito.

10. Ubos-lakas silang sumigaw, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Huwag na po ninyong patagalin ang paghatol at pagpaparusa sa mga taong pumatay sa amin.”

11. Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kasamahan sa paglilingkod kay Cristo, na papatayin ding tulad nila.

12. At inalis ng Kordero ang pang-anim na selyo. Lumindol nang malakas, ang araw ay nangitim na parang damit na panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo.

13. Nalaglag mula sa langit ang mga bituin, parang mga bubot na bunga ng igos kapag binabayo ng malakas na hangin.

14. Naglaho ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga pulo.

Pahayag 6