1. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis:“Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Nalalaman ko ang ginagawa mo; ipinapalagay kang buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay.
2. Kaya't gumising ka! Pag-alabin mo ang mga katangiang nalalabi pa sa iyong buhay upang hindi ito tuluyang mamatay. Nakikita kong hindi pa ganap ang mga nagawa mo sa paningin ng aking Diyos.
3. Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating.