13. May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran.
14. Ang pader ng lunsod ay may labindalawang pundasyon at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
15. Ang anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lunsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito.
16. Parisukat ang ayos ng lunsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lunsod, at ang lumabas na sukat ng lunsod ay 2,400 kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas.
17. Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel.
18. Batong jasper ang pader, at ang lunsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal.
19. Ang saligan ng pader ay puno ng lahat ng uri ng mahahalagang bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat,
20. onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing isa, at amatista ang ikalabindalawa.
21. Perlas ang labindalawang pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lunsod at kumikinang na parang kristal.
22. Napansin ko na walang templo sa lunsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero.
23. Hindi na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lunsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon; ang Kordero naman ang siyang ilawan.
24. Sa liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan.
25. Mananatiling bukás sa buong maghapon ang mga pinto ng lunsod sapagkat hindi na sasapit doon ang gabi.
26. Dadalhin sa lunsod ang yaman at dangal ng mga bansa,
27. ngunit hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos. Ito'y ang mga gumagawa ng masama at ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang siyang makakapasok sa lunsod.