14. Subalit may hinanakit ako sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid.
15. May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita.
16. Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.
17. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”
18. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:“Ito ang ipinapasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab.
19. Nalalaman ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una.
20. Ngunit ito ang masasabi ko laban sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan.
21. Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya.
22. Kaya nga magkakasakit siya nang malubha, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan.
23. Papatayin ko rin ang kanyang mga tagasunod upang malaman ng mga iglesya na ako ang nakakaalam sa puso't isip ng mga tao. Gagantimpalaan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.
24. “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi nakinig sa masasamang katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng pasanin,
25. ngunit dapat kayong manatiling tapat sa akin hanggang ako'y dumating.
26. Sa magtatagumpay at tutupad ng kalooban ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa.