1. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso:“Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto.
2. Nalalaman ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapakahirap at pagtitiyaga. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasama. Sinubok mo ang mga huwad na apostol, at napatunayan mong sila'y nagsisinungaling.
3. Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko.
4. Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: ang pag-ibig mo noong una kang sumampalataya ay nanlalamig na.
5. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan.
6. Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita.
7. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!“Ibibigay ko sa magtatagumpay ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay na nasa paraiso ng Diyos.”
8. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:“Ito ang ipinapasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay.
9. Nalalaman ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga hindi tunay na Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas.
10. Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magtitiis kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.
11. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng pangalawang kamatayan.”
12. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:“Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim.
13. Nalalaman ko kung saan ka nakatira, sa lugar na pinaghaharian ni Satanas, ngunit nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa bayang tinitirhan ni Satanas.
14. Subalit may hinanakit ako sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid.