2. Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno.
3. Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos.
4. Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos.
5. Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.Purihin siya ngayon at magpakailanman!Purihin ang kanyang dakilang pangalan,na higit na dakila sa lahat ng papuri!”
6. At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;ikaw ang lumikha ng kalangitanat ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;ang dagat at ang lahat ng naroroon.Binibigyang buhay mo sila,at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
7. Ikaw, Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldeaat pinangalanan mo siyang Abraham.
8. Nakita mo siyang tapat sa inyoat gumawa ka ng kasunduan sa kanya.Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anakna ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.
9. “Nakita mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.
10. Gumawa ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11. Sa kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12. Pinatnubayan mo sila ng haliging ulap kung araw,at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13. Mula sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinaiat kinausap mo ang iyong bayan.Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14. Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahingaat ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15. “Nang sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaingsa kanila'y ipinangako mong ibigay.
16. Ngunit naging palalo ang aming mga ninuno,nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo.
17. Hindi sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila.Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinunona mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto.Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin,hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig,kaya't sila'y hindi mo itinakwil.
18. Gumawa rin sila ng diyus-diyosang guya,at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto.Labis ka nilang nilapastangan!
19. Ngunit hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang,sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan.Hindi mo inalis ang haliging ulapna patnubay nila sa paglalakbay sa arawat ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim.
20. Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin.Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw.
21. Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang,kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang.Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan,ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad.
22. “Pinasakop mo sa kanila ang mga kaharian at bayan,ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbonat ang lupain ni Haring Og ng Bashan.