Nehemias 13:3-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.

4. Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan.

5. Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo.

6. Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat.

7. Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo.

8. Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias.

9. Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso.

10. Nalaman ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila.

11. Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin.

12. Dahil dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega.

13. Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan.

14. Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.

15. Noon ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga.

16. Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem.

Nehemias 13