Nehemias 13:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nang araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita.

2. Ipinagbawal ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala.

3. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.

4. Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan.

5. Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo.

6. Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat.

7. Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo.

8. Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias.

9. Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso.

10. Nalaman ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila.

11. Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin.

12. Dahil dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega.

13. Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan.

14. Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.

Nehemias 13