Nehemias 12:8-38 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Ang mga Levita naman ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda at Matanias. Sila ang namahala sa pagkanta ng mga awit ng pasasalamat.

9. Ang bumubuo ng koro na umaawit ng mga sagutang pag-awit ay sina Bakbukuias, Uno at iba pang mga Levita na kasama nila.

10. Naging anak ni Josue si Joiakim na ama ni Eliasib. Naging anak naman ni Eliasib si Joiada,

11. na ama ni Jonatan na ama ni Jadua.

22. Inilista ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga Levita at ng mga pari nang panahon ng panunungkulan ng mga pinakapunong paring sina Eliasib, Joiada, Johanan at Jadua. Ang listahang ito'y natapos nang panahong si Dario ang hari ng Persia.

23. Ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita ay nailista sa Aklat ng Kasaysayan noong panahon lamang ni Johanan na apo ni Eliasib.

24. Ang mga pinuno ng mga Levita ay hinati sa mga pangkat na pinamunuan nina Hashabias, Serebias, Jeshua, Binui at Kadmiel. Dalawang pangkat ang sagutang umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos, ayon sa ipinag-uutos ni David na lingkod ng Diyos.

25. Ang namahala naman sa mga bantay sa mga bodega na malapit sa mga pintuan ng Templo ay ang mga sumusunod: Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub.

26. Noo'y panahon ng pamamahala ni Joiakim, anak ni Josue at apo ni Jehozadak. Ang gobernador noon ay si Nehemias at ang pari ay si Ezra na dalubhasa sa Kautusan.

27. Nang italaga na ang pader ng Jerusalem, tinipon ang mga Levita sa Jerusalem upang sama-sama nilang ipagdiwang ang pagtatalaga. Ipinagdiwang ito sa saliw ng mga awit ng pasasalamat at ng tugtog ng pompiyang, alpa, at lira.

28. Ang mga mang-aawit na mula sa angkan ng mga Levita ay dumating mula pa sa paligid ng Jerusalem at mula sa kapatagan ng Netofa,

29. sa bayan ng Gilgal at sa kapatagan ng Geba at Azmavet.

30. Nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao. Nilinis din nila ang mga pintuan at mga pader ng lunsod.

31. Isinama ko sa ibabaw ng pader ng lunsod ang mga pinuno ng Juda. Pinamahala ko sila sa dalawang malaking pangkat ng mga mang-aawit na lilibot sa lunsod upang magpasalamat. Ang isang pangkat ay lumakad na papuntang kanan sa ibabaw ng pader patungo sa pintuang papunta sa tapunan ng basura.

32. Kasunod nito ang kalahati ng mga pinuno ng Juda sa pangunguna ni Hosaias.

33. Nasa likuran nila sina Azarias, Ezra, Mesulam,

34. Juda, Benjamin, Semaias at Jeremias.

35. Hinihipan ng mga paring ito ang kanilang mga trumpeta habang sumusunod sina Zacarias, anak ni Jonatan at apo ni Semaias. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Matanias, Micaias, Zacur at Asaf.

36. Sumunod din ang kanyang kamag-anak na sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. Silang lahat ay may dalang mga instrumento sa musika na katulad ng tinugtog ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang pangkat na ito'y pinangunahan ni Ezra na dalubhasa sa Kautusan.

37. Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal nagtuloy silang paakyat sa Lunsod ni David. Lumampas sila sa palasyo ni David hanggang sa sumapit sila sa Pintuan ng Tubig sa gawing silangan ng lunsod.

38. Ang ikalawang pangkat na nagpasalamat din ay lumakad namang pakaliwa sa ibabaw ng pader. Sumunod ako sa pangkat na ito at lumakad kaming kasama ang kalahati ng mga taong bayan. Lumampas kami sa Tore ng mga Pugon papunta sa Maluwang na Pader.

Nehemias 12