Mga Taga-Roma 7:9-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Noong una, namuhay ako nang walang kautusan. Subalit nang dumating ang kautusan, nabuhay ang kasalanan

10. at ako'y namatay. Ang kautusang dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan.

11. Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang kautusan upang ako'y dayain, at sa gayon, ay napatay nga ako ng kasalanan.

12. Kaya nga, banal ang Kautusan at ang bawat utos ay banal, matuwid, at mabuti.

13. Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag, sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.

14. Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan.

15. Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa.

16. Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan.

17. Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18. Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawâ ang mabuting ninanais ko.

19. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa.

20. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

21. Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin.

22. Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos.

23. Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan.

Mga Taga-Roma 7