Mga Taga-Roma 11:1-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Ito ngayon ang tanong ko: Itinakwil na nga kaya ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Ako'y isang Israelita rin, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin.

2. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel.

3. Sinabi niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!”

4. Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.”

5. Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob.

6. At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang siyang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.

7. Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito dahil matigas ang ulo ng iba.

8. Tulad ng nasusulat:“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,mga matang hindi makakitaat mga taingang hindi makarinig,hanggang sa panahong ito.”

9. At sinabi rin ni David,“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,isang katitisuran at parusa sa kanila.

10. Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”

11. Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mawasak? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito.

12. Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik loob sa Diyos ang buong Israel!

13. Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol ninyo, ipinagmamalaki ko ang aking tungkulin.

14. Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila.

15. Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang maibalik sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!

16. Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito.

17. Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito,

18. huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.

19. Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.”

Mga Taga-Roma 11