3. sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo.
4. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.
5. Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos ang mga taong ayaw pasakop sa kanya.
7. Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pitang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.
8. Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita.
9. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito.
10. Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala.
11. Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
12. Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis.
13. Magpasensiya kayo sa isa't isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.
14. At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa.