1. Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal.
2. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman patungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo.
3. Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.
4. Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga pananalitang mapanghikayat.
5. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.
6. Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya.
7. Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
8. Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito.
9. Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao.
10. Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11. Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu.