3. Tuwing ipapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
4. Nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos,
5. dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo doon sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo.
6. Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.
7. Natutunan ninyo ito kay Epafras, ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo.
8. Sa kanya namin nalaman ang tungkol sa pag-ibig na ipinagkaloob sa inyo ng Espiritu.
9. Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu.
10. Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos.
11. Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay.
12. Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag.
13. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,
14. na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
15. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha.
16. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya.
17. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya.
18. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat.
19. Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak,
20. at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus.
21. Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama.