Mga Panaghoy 3:32-47 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.

33. Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.

34. Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,

35. maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.

36. Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.

37. Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.

38. Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.

39. Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?

40. Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!

41. Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:

42. “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.

43. “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.

44. Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.

45. Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.

46. “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;

47. nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.

Mga Panaghoy 3