Mga Panaghoy 3:17-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.

18. Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”

19. Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.

20. Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.

21. Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

22. Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.

23. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.

24. Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.

25. Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,

26. kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.

27. At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.

28. Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay;

29. siya'y magpakumbabá sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa.

30. Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.

31. Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon.

32. Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.

33. Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.

34. Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,

35. maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.

36. Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.

37. Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.

Mga Panaghoy 3