Mga Panaghoy 3:16-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig.

17. Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.

18. Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”

19. Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.

20. Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.

21. Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

22. Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.

23. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.

24. Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.

25. Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,

26. kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.

27. At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.

Mga Panaghoy 3