1. O anong lungkot ng lunsod na dating matao!Siya na dating bantog sa buong mundo ngayo'y tulad na ng isang balo;siya na dating pangunahing lunsod ngayon ay isa nang lingkod!
2. Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging luhaan;lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya.Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay naging mga kaaway na.
3. Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at sapilitang paglilingkod.Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga.Napapaligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.
4. Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan.Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari,pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo. Napakapait ng sinapit niya!
5. Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway,pinapaghirap siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan.Wala na ang kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway.
6. Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem.Ang kanyang mga pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.
7. Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay;nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.