Mga Kawikaan 2:6-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.

7. Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,at ang taong matapat ay kanyang iingatan.

8. Binabantayan niya ang daan ng katarungan,at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan.

9. Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,at iyong susundan ang landas ng kabutihan.

10. Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.

11. Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.

12. Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;

13. ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,

14. mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.

15. Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.

16. Malalayo ka sa babaing mahalay,at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay.

17. Siya ay babaing hindi tapat sa asawa;ang sumpaan sa altar ay binale-wala niya.

18. Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan,at ang kanyang buhay ay tungo sa kawakasan.

Mga Kawikaan 2