8. Isang araw, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari nila. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’
9. Sumagot ang olibo, ‘Hindi ko maiiwan ang paggawa ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao para maghari lamang sa inyo.’
10. Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’
11. Ngunit sumagot ang igos, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng masasarap kong bunga upang pagharian ko lamang kayo.’
12. Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’
13. Sumagot ang ubas, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao upang pagharian ko lamang kayo.’
14. Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’
15. Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’
16. “Ngayon,” patuloy ni Jotam, “sang-ayon ba sa inyong malinis na hangarin na ginawa ninyong hari si Abimelec? Iginalang ba ninyo ang alaala ni Gideon, at nilalapastangan ninyo ang kanyang pamilya?
17. Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya ang kanyang buhay upang iligtas kayo sa mga Midianita.
18. Ngunit ngayo'y kinakalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa ibabaw ng isang bato at si Abimelec na anak niya sa kanyang aliping babae ang ginawa ninyong hari sapagkat kamag-anak ninyo.
19. Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Gideon at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec.
20. Ngunit kung hindi, sana'y sumiklab ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga lalaki ng Shekem at Bethmilo. Sumiklab sana ang apoy mula sa mga lalaki ng Shekem at Bethmilo at sunugin si Abimelec.”
21. Pagkasabi nito'y patakbong umalis si Jotam at nagtago sa Beer dahil sa takot sa kapatid niyang si Abimelec.
22. Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel.