Mga Hukom 9:25-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

25. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.

26. Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon.

27. Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec.

28. Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor.

29. Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.”

30. Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit.

31. Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo.

32. Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod.

33. Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.”

34. Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem.

35. Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan.

36. Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.”Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.”

37. Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.”

38. Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?”

39. Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec.

40. Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod.

Mga Hukom 9