Mga Hukom 9:13-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Sumagot ang ubas, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao upang pagharian ko lamang kayo.’

14. Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’

15. Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’

16. “Ngayon,” patuloy ni Jotam, “sang-ayon ba sa inyong malinis na hangarin na ginawa ninyong hari si Abimelec? Iginalang ba ninyo ang alaala ni Gideon, at nilalapastangan ninyo ang kanyang pamilya?

17. Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya ang kanyang buhay upang iligtas kayo sa mga Midianita.

18. Ngunit ngayo'y kinakalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa ibabaw ng isang bato at si Abimelec na anak niya sa kanyang aliping babae ang ginawa ninyong hari sapagkat kamag-anak ninyo.

19. Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Gideon at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec.

20. Ngunit kung hindi, sana'y sumiklab ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga lalaki ng Shekem at Bethmilo. Sumiklab sana ang apoy mula sa mga lalaki ng Shekem at Bethmilo at sunugin si Abimelec.”

21. Pagkasabi nito'y patakbong umalis si Jotam at nagtago sa Beer dahil sa takot sa kapatid niyang si Abimelec.

22. Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel.

23. Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec.

24. Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon.

25. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.

26. Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon.

27. Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec.

Mga Hukom 9