Mga Hukom 20:5-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gibea at gusto akong patayin. Ngunit sa halip, ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa siya'y mamatay.

6. Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa bawat lipi ng Israel. Napakasama at karumal-dumal ang ginawa nilang ito sa atin.

7. Kayong lahat ng naririto ay mga Israelita. Ano ngayon ang dapat nating gawin?”

8. Sabay-sabay silang tumayo at kanilang sinabi, “Isa man sa amin ay hindi muna uuwi sa sariling bahay o tolda.

9. Ito ang gagawin natin: magpapalabunutan tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gibea.

10. Ang ikasampung bahagi ng bilang ng ating kalalakihan ang mamamahala sa pagkain ng hukbo. Ang natitira naman ang magpaparusa sa Gibea dahil sa kawalanghiyaang ginawa nila sa Israel.”

11. Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea.

12. Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin.

13. Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita.

14. Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel.

15. Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea.

16. Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok.

17. Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.

18. Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”

19. Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea.

20. Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin.

21. Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal.

Mga Hukom 20