Mga Hukom 20:37-48 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

37. Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon.

38. May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea,

39. haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita.

40. At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea.

41. Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita

42. at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita,

43. at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea.

44. Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000.

45. Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000.

46. Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita ng araw na iyon ay 25,000, na pawang mga matatapang na mandirigma.

47. Ang nakatakas sa Batong Malaki ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan.

48. Binalikan ng mga Israelita ang iba pang Benjaminita at pinatay lahat, pati mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang lahat ng bayang sakop ng Benjamin.

Mga Hukom 20