Mga Hukom 20:30-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

30. Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita.

31. At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Bethel at Gibea at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu.

32. Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod.

33. Ang mga Israelitang nagpahabol ay nagtipun-tipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa palibot ng Gibea

34. ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na malapit na silang malipol.

35. Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita.

36. Noon lamang nila nakita na natalo sila ng mga Israelita.Umatras ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gibea.

37. Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon.

38. May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea,

39. haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita.

40. At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea.

41. Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita

42. at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita,

43. at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea.

44. Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000.

45. Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000.

Mga Hukom 20