17. Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.
18. Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”
19. Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea.
20. Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin.
21. Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal.
22. Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar.
23. Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?”“Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh.
24. Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita.
25. Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000.
26. Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan.
27. Muli silang sumangguni kay Yahweh. Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Bethel
28. sa pag-iingat ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Ang tanong nila, “Lulusubin po ba namin muli ang mga kapatid naming Benjaminita o titigil na kami?”Sumagot si Yahweh, “Lumusob kayo muli at bukas ng umaga'y pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
29. Ang mga Israelita'y naglagay ng mga kawal na nakakubli sa palibot ng Gibea.
30. Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita.