Mga Hukom 20:11-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea.

12. Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin.

13. Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita.

14. Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel.

15. Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea.

16. Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok.

17. Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.

18. Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”

19. Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea.

20. Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin.

21. Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal.

22. Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar.

23. Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?”“Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh.

24. Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita.

25. Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000.

26. Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan.

Mga Hukom 20