Mga Hukom 18:8-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila.

9. Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad.

10. Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.”

11. Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan.

12. Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan.

13. Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas.

14. Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?”

15. Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon.

16. Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang animnaraang kawal,

17. ang limang espiya ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micas at kinuha ang mga diyus-diyosan doon, pati ang nababalot ng pilak. Ang pari naman ay nasa tarangkahan, kasama ng animnaraang kawal.

18. Nang makita ng pari na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, “Anong ginagawa ninyo?”

19. Sinabi nila, “Huwag kang maingay. Tumahimik ka lang diyan! Sumama ka sa amin at gagawin ka naming pari at tagapayo. Alin ba ang mas gusto mo, ang maging pari ng isa sa lipi ng Israel o ng isang pamilya lamang?”

20. Nagustuhan ng pari ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at masayang sumama sa kanila.

21. At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, mga alagang hayop at mga kagamitan.

22. Hindi pa sila gaanong nakakalayo sa bahay ni Micas ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at hinabol nila ang mga Daneo,

23. na kanilang sinisigawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micas, “Ano ba ang nangyayari at napakarami ninyo?”

Mga Hukom 18