10. Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo.
11. Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki.
12. Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit.
13. Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”Sumagot sila, “Payag kami.”
14. Sinabi ni Samson,“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.
15. Nang ikaapat na araw, sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”
16. Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.”Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?”
17. Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.