Mga Hukom 11:10-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.”

11. Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.

12. Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”

13. Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”

14. Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita

15. at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon.

16. Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula hanggang sa Kades.

17. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades.

18. Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab.

19. At nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito.

20. Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita.

21. Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita:

Mga Hukom 11