1. Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo.
2. Palaging maging bukás ang inyong pinto sa mga taga-ibang bayan. Lingid sa kanilang kaalaman, may ilang nakapagpatuloy na ng mga anghel.
3. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.
4. Dapat igalang ng lahat ang pagsasama ng mag-asawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
5. Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”