6. Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.
7. Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari.
8. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”“Oo, iyan lamang,” sagot ng babae.
9. Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nilang ilibing!”
10. Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa.
11. Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.
12. Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao.Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya,
13. ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na humahanga ang mga ito sa kanila.
14. Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon.
15. Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila.
16. Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.
17. Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila.