Mga Gawa 5:10-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa.

11. Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

12. Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao.Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya,

13. ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na humahanga ang mga ito sa kanila.

14. Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon.

15. Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila.

16. Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.

17. Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila.

18. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo.

19. Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila,

20. “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa tao ang buong mensahe tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”

21. Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol,

22. ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Sanedrin at nag-ulat,

23. “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!”

24. Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.

25. Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”

Mga Gawa 5