Mga Awit 22:14-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!

15. Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16. Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,para akong nasa gitna ng mga asong ganid;mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.

17. Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.

18. Mga damit ko'y kanilang pinagsugalan,at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

19. O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!Ako ay tulungan at agad na saklolohan!

20. Iligtas mo ako sa talim ng tabak,at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.

21. Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.

22. Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.

23. Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!

24. Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.

25. Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,ang panata kong handog ay doon ko iaalay.

26. Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27. Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.

28. Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29. Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.

Mga Awit 22